NATAGPUAN na ng rescue teams kaninang umaga (Mayo 8) ang bangkay ng limang biktima sa kasagsagan ng Mayon Volcano ash eruption nitong nakaraang Martes.
Gayunman, sinabi ni Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council head Cedric Daep na gugol pa ng panahon bago madala ang mga bangkay sa Camp 1 area.
“Within the day, kung kaya before 12 (noon),” pahayag ni Daep sa isang kapanayam sa dzBB radio nang tanungin ito kung kailan madadala ang mga bangkay sa Legazpi City.
Sa update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes ng gabi, kinilala ang isa sa lima na si Filipino tour guide Jerome Berin.
Ang apat pang bangkay ay pawang mga German nationals pero pansamantalang hindi muna pinangalanan.
Sinabi ni Daep na ang mga bangkay ay natagpuan malapit sa Camp 2 ng Mayon, na may indikasyon na ang mga biktima ay nasorpresa sa biglang phreatic explosion.
Ayon pa sa ulat, ang mga biktima ay nangahas aniya na lumapit ng hanggang 1.6 to 1.8 km mula sa bibig ng bulkan.
Pero sinabi ni Daep na mapanganib para sa isang helicopter na makaabot sa lugar, dahil sa malalim na dalisdis o steep slope.
“We need a combination of ground and air-to-ground operations,” dagdag pa nito.
Para naman, aniya, sa 12 nasaktan, sinabi nito na walo na ang naibaba nila mula sa bulkan.
“Meron pang reported na apat na kailangan balikan sa Camp 2,” pahayag nito.
Samantala, iginiit ni Daep ang paalala ng ahensya na nagbabawal sa mga turista na umakyat sa bulkan.