KUNG hindi magiiba ng direksyon, isa sa tutumbukin ng bagyong ‘Gorio’ sa Linggo ng hapon ay ang Metro Manila.
Sa latest weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa layong 30 kilometro timog silangan ng Catbalogan, Samar.
Taglay pa rin ni tropical storm Gorio ang lakas ng hanging 65 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong papalo sa 80 kph.
Bumilis din ang pagkilos ni Gorio na 19 kph habang tinatahak ang direksyong hilagang kanluran.
Kaninang 8:00 ng umaga, nag-landfall sa kalupaang sakop ng Hernani, Eastern Samar ang bagyo at dahil dito itinaas na ang Signal no. 2 sa Masbate kabilang ang Ticao at Burias Islands, Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Marinduque, Quezon kasama ang Polilio Island, Samar Provinces, Biliran, Leyte.
Signal no. 1 naman sa Romblon, Oriental Mindoro, Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Bataan, Bulacan, Zambales, Tarlac, La Union, Benguet, Ifugao
Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Nueva Ecija, Pampanga, Pangasinan, Metro Manila,Southern Leyte, Capiz, Aklan, Northeastern Iloilo, Northern Cebu kasama ang Camotes, Bantayan Island
Sa lawak ng diametro ng bagyo na 300 km, makakaasa ang mga saklaw na lugar ni Gorio ng 5-15 mm (moderate to heavy) na pag-ulan.
Nakakalat na sa ngayon ang mga monitoring team ng PAGASA na babansagan na Severe Tropical Weather Disturbance Reconnaissance Investigation and Damage Evaluation Team.
Layon nitong makipagtulungan at magpaalam sa mga lokal na pamahalaan ukol sa nakaambang pagsalanta ng bagyo.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang MMDA ukol dito kaya inaasahan na ang paghanda nito lalo na ang pagbabaklas sa mga billboards sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Makakaasa ng 15 mm rainfall sa Kamaynilaan bukas na magdudulot ng mga pagbabaha.
Muli ring inalerto ng mga ahensya ang mga residente sa mababang lugar na maging alerto at handa sa paglikas.
Lalabas ng Philippine Area of Responsibilty (PAR) si Gorio sa Lunes (Hulyo 1).
Ngunit bago ito lumabas, dalawang beses na tatama sa kalupaan ang nasabing bagyo sa Burias, Masbate at sa Katimugang Quezon.
Hindi na nakikitang lalakas pa ang bagyo dahil nasa kalupaan na ito.
The post Gorio, nag-landfall na, 14 lugar signal #2, 27 iba pa signal number#1 appeared first on Remate.