DALAWA ang nalagas habang apat naman ang sugatan kabilang ang isang pulis nang kumasa sa mga miyembro ng Sta. Ana Police Station at SWAT operatives ang mga suspected drug pushers sa Barangay Sentro, Agdao, Davao City kaninang madaling araw (Hunyo 29).
Sinabi ni P/Supt. Cesar Cabuhat, hepe ng Sta. Ana PNP, na dalawa sa mga suspect na hindi pa nakikilala ang namatay habang tatlo naman ang sugatan na nakilalang sina Baby Boy Manere, 16-anyos, Kalel Manere, 20-anyos at Nadia Manere, 38-anyos na pawang isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC). Hindi naman nabanggit sa ulat kung magkakapatid ang mga nasugatang suspect o magkakamag-anak lamang.
Isinugod naman sa San Pedro Hospital sanhi ng isang tama ng bala sa kanang balikat ang isang nagngangalang PO1 Camero na tumayong poseur buyer sa ikinasang buy bust operation.
Naganap ang insidente dakong 12:20 kaninang madaling araw sa isang bahay sa Barangay Sentro, Agdao, Davao City.
Bago ito, nagkasa ng buy bust operation ang pulisya sa nasabing lugar at nagpanggap na poseur-buyer si PO1 Camero ngunit sa kamalasan ay nabuko ito ng mga suspek kaya nakapaghanda para ipagtanggol ang kanilang sarili.
Pumasok sa kanilang bahay ang mga suspect kaya tumawag ng dagdag puwera ang raiding team mula sa SWAT team nang magmatigas ang mga suspect na lumabas ng kanilang kuwarto.
Nang dumating na ang iba pang puwersa, ikinasa na ang pagsalakay pero nakipagpalitan ng putok ang mga suspect kaya gumanti ang mga awtoridad hanggang sa bumulagta agad ang dalawa sa kanila at tatlo naman ang sugatan.
Narekober din ng mga otoridad mula sa mga suspek ang mga armas at jumbo pack na shabu.
Sinunog naman ng mga suspek ang ilan sa hawak nilang mga shabu.
The post PNP at SWAT buy-bust operation vs drug pushers, 2 lagas, 3 sugatan appeared first on Remate.