MAHIGIT 40 kabahayan ang winasak ng buhawi habang kasagsagan ng bagyong Gorio sa Barangay Apad, Jomalig, Quezon kagabi.
Sinabi ni Police Inspector Ronaldo de Luna, narating na nila ang lugar kaninang umaga (Hunyo 30) at nadiskubreng 19 na bahay ang totally damaged at 22 ang partially damaged.
Nawasak din ang bubong ng dalawang classroom sa Apad Elementary School.
Umabot naman sa 41 pamilya o 206 indibidwal ang nawalan ng tirahan sanhi ng pananalasa ng buhawi.
May apat na residente ang nasugatan matapos mabagsakan ng kahoy, pero nasa maayos na ring kalagayan sa ngayon.
Tumutuloy ang mga residenteng naapektuhan ng buhawi sa kani-kanilang kaanak, habang inihahanda na ng lokal na pamahalaan ang ipamamahaging relief goods.
The post Buhawi nanalasa sa Quezon, 40 kabahayan, winasak appeared first on Remate.