KUMPIRMADONG anim na mga Filipino workers ang nasawi sa naganap na hostage-crisis sa isang gas plant sa bansang Algeria.
Matapos ang pagkumpirma ay tumanggi munang kilalanin ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Raul Hernandez ang mga nasawi.
Matatandaang unang inihayag ni Hernandez na “all accounted” na ang kabuuang 52 Pinoy workers na nakaligtas sa nangyaring hostage-taking incident.
“Our team in Algeria continues to coordinate with Algerian authorities and employers of OFWs to determine the whereabouts and conditions of other Filipinos working in the gas field and extend assistance including repatriation to the Philippines,” ayon kay Hernandez.
Ayon sa ulat, mahigit sa 800 ang hinostage ng mga Islamist militants na karamihan ay mga dayuhan kung saan aabot sa 80 ang namatay sa apat na araw na hostage crisis sa gas facility sa Sahara desert sa In Amenas, Algeria.
Sa ipinalabas na preliminary death toll ng Algerian authorities, 55 ang namatay na kinabibilangan ng 23 hostage at 32 Islamist militants at pinangangambahang tumaas pa ito.
Pero batay sa security source ng Reuters, hindi kasama sa bilang ang 25 bangkay ng mga hostage na narekober ng Algerian troops sa gas plant.