NAPILITANG magsilikas ang mga residenteng naninirahan malapit sa mga tabing ilog at estero sa Taguig City dahil sa pangambang maglutangan ang mga ahas at alupihan matapos ang walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan na nagsimula noong Sabado ng hapon.
Lumikas sa kani-kanilang tirahan ang ilang pamilyang naninirahan sa gilid ng Hagonoy creek at iba pang daluyan ng tubig sa lungsod sa pangambang matuklaw ng makamandag na ahas na dahong palay at alupihan.
Samantala, nag-ikot kahapon si Mayor Lani Cayetano, kasama ang mga opisyal at tauhan ng Social Welfare Department sa 12-evacuation center sa siyam na barangay na pinagdalhan sa may 399 pamilya na pansamantalang inilikas sa kanilang tirahan dahil sa matinding pagbaha.
Bukod sa pamamahagi ng gamot at pagkain, inatasan din ng alkalde ang lokal na health department na paigtingin ang pagbibigay ng impormasyon sa mga residente sa posibleng mga sakit na dulot ng pagbaha, partikular ang leptospirosis na nakukuha sa ihi ng daga.
Ayon sa alkalde, lahat ng mga kaukulang tulong sa may 2,050-katao na pansamantalang nasa mga evacuation center ay kanilang ihahatid upang matiyak na magiging maayos ang kanilang kalagayan hangga’t hindi nakakabalik sa kanilang tirahan.
Ipinamahagi naman ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) ang Taguig Rescue Hotline na 623-5344 na puwedeng tawagan sa lahat ng oras sa panahon ng kalamidad at pangangailangan.
The post Ahas, alupihan, lumutang sa ilog at estero sa Taguig appeared first on Remate.