NALAGUTAN ng hininga ang isang lalaki habang pito naman ang sugatan nang sumemplang sa kalsada ang kanilang sinasakyang trak sa Zamboanga del Sur kaninang umaga (Agosto 24).
Dead- on-arrival sa Cabahug Hospital sa Pagadian City sanhi ng tinamong kapansanan sa ulo at katawan ang nag-iisang kaswalidad na si Abdurajan Abubakar, 33-anyos.
Ang mga sugatan naman na isinugod sa iba’t-ibang ospital sa Pagadian City ay sina Rosita Giminsel, 31; Whadzna Maarain, 23; Washa Maarain, 36; Myejille Saragena, 17; Alsharif Maarain 13, at si Ridzwan Giminsel, 8-anyos na pawang mga residente ng San Pedro District, Pagadian City.
Kahit kasama sa mga nasugatan, sasampahan ng pulisya ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at 6 counts ng serious physical injuries ang drayber ng trak na si Jonjon Ibrahim Sali, 33-anyos.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 6:00 ng umaga sa isang bahagi ng Purok Malipayon, sa Barangay Bulanit, Labangan, Zamboanga del Sur.
Ayon sa Police Regional Office (PRO-9), papunta ang nasabing truck sa Pagadian City nang biglang sumabog ang isang gulong ng trak na minamaneho ni Sali.
Dahil sa unahang gulong ang sumabog, nawalan ng kontrol ang pagtakbo nito hanggang sa sumemplang sa pakurbadang kalsada.
The post Trak naputukan ng gulong, 1 patay, 7 sugatan appeared first on Remate.