NATANGAY ang tinatayang P22,000 sa isang 56-taong gulang na Singaporean national matapos malilo ng kamusmusan ng mga batang nagtitinda ng sampaguita sa Quiapo Church sa Maynila.
Ayon sa Manila Police District-General Assignment Investigation Section (MPD-GAIS), ang biktimang si Tan Gino Lawrence, isang manager at resident ng 3F Bianca Northbelton, Talipapa, Quezon City, ay nagsimba lang umano sa Quiapo, alas-7:00 ng umaga kahapon kasama ang kanyang pamilya nang alukin ng sampaguita ng mga nagtitinda nito.
Sinabi ni Lawrence kay PO2 Marlon Santos ng MPD-GAIS na hinarang umano siya ng mga batang sampaguita vendors na tinatayang nasa edad 8 hanggang 10 upang alukin na bumili ng mga itinitinda nito. Hindi kalaunan ay biglang nagtalo ang dalawang bata na siyang kumuha sa atensyon ng biktima.
Nang makuha na ng dalawang bata ang atensyon ng biktima ay agad na rin itong umalis at hindi na nangulit pa, saka pa lang niya nalaman na wala na ang kanyang pitaka sa bulsa.
Batay sa ulat, ang pitaka ng biktima ay naglalaman ng (6) na credit cards, isang ID na may serial number na 1238945/J, isang driver’s license, perang nagkakahalaga ng 5, 000 piso at 500 Singaporean dollars na katumbas ng halos P17 000.
The post P22-K natangay sa Singaporean national appeared first on Remate.