NADAKMA ng mga awtoridad ang leader ng isang robbery group makaraan maunang mahuli ang isang galamay nito sa Valenzuela City.
Nakilala ang nadakip na si Danilo Rosario, alyas Danny Ilocano, nasa hustong gulang at leader ng Danny Ilocano Group.
Nabatid na noong nakalipas na Enero 20, 2013, ay nahuli si Michael Sison, alyas Puroy, 34, ng Catleya St., Maysan ng lungsod.
Isang tawag sa telepono ang natanggap ng mga pulis na may lalaking kahina-hinala ang galaw sa F. Lazaro St., Canumay West, dakong alas-10:00 ng gabi.
Nang respondehan ay biglang nagtatakbo si Sison na naging dahilan upang habulin at nang madakip ay nakuhanan ito ng paltik na kalibre .38.
Sa pag-iimbestiga, nalaman na miyembro ng Danny Ilocano Group si Sison na pumayag naman na sabihin kung saan makikita ang kanilang lider.
Isa-isang pinuntuhan ang mga sinabing lugar ni Sison hanggang sa mamataan si Danny sa Gregorio St., Canumay West kahapon ng hapon.
Hindi na nakapalag si Danny nang mapaligiran ng mga pulis at nakuhanan ng baril.
Lumalabas na noong Hulyo 5, 2012, dakong alas-10:00 ng umaga nang holdapin nila Danny si Maritess Saludo Singh matapos harangin sa Mapulang Lupa ng lungsod kung saan nakuhan ng P10,000.
Disyembre 28, 2012 nang pasukin naman ng grupo ang bahay ni Ivan Cris Cu sa Sampaguita St., ng lungsod at makatangay ng pera at alahas na aabot sa P400,000 at isang kalibre .38.
Nabiktima rin ng grupo ang ilang estudyante ng University of the East kung saan natangay ng mga ito ang mga cellphone at camera na aabot sa P200,000.
Nanawagan naman si Senior Supt. Roderick Armamento hepe ng Valenzuela City Police sa mga nabiktima ng nasabing grupo na lumantad upang lalong mapalakas ang mga kaso laban sa mga naaresto.