GRINIPUHAN sa tagiliran ang 28-anyos na bading nang saksakin ng 73-anyos na lolo na una niyang nakasagutan habang tinatalakan ng nauna ang babaing kapitbahay kahapon sa Pasay City.
Kritikal ang kalagayan sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Mark Tanete, ng 15 Pag-asa St., corner Flores St. sanhi ng tinamong saksak sa kanyang kanang tagiliran habang nadakip naman ng mga rumespondeng opisyal ng barangay ang suspect na si Eliseo Villabare, naninirahan din sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Roy Ramos at PO2 Reynaldo Wangi ng Station Investigation Section ng Pasay police, kalaro ng tong-its ng biktima ang dalawa nitong kaibigan sa kanto ng Pag-asa at Flores St. nang dumating si Villabare pasado ala-1 ng hapon at nakiusap sa tatlo na kukunin niya ang tolda na ginagamit niya sa pagtitinda ng mga upholstery.
Hindi aniya pumayag si Tanete na ibigay ang tolda dahil umaambon at sila ang naunang gumamit nito hanggang nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng matanda na naawat naman ng mga kalaro ng biktima.
Nang umuwi si Tanete, nakita naman nito ang nakataling aso sa harapan ng kanilang bahay na pag-aari ng kanyang kapitbahay na nagngangalang Myra.
Binungangaan at sinabunutan umano ng bading ang kapitbahay subalit dumating si Villabare na armado ng patalim at kaagad na inundayan ng saksak sa tagiliran ang biktima.