KINASUHAN na ng Bureau of Customs sa Department of Justice ang overseas Filipino worker na nahulihan ng mahigit pitong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P56 milyon sa NAIA Terminal 2.
Sa affidavit na isinumite ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sa Department of Justice, si Roendo Ariata ay ipinagharap ng kasong smuggling matapos na makumpiska sa kanyang pag-iingat ng naturang iligal na droga.
Ayon kay Commissioner Biazon, nilabag ni Ariata ang probisyon ng Tariffs and Customs Code of the Philippines at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Biazon na galing si Ariata sa Hong Kong noong Enero 13, 2013 nang masabat dito ang shabu na nakalagay sa pitong kahon ng powdered milk sa NAIA.
Sa ngayon ay may 20 kilo na ng shabu ang nasasabat ng BOC mula sa pitong drug mules mula noong 2012.