MAY malaking banta sa seguridad at kaligtasan ng negosyanteng si Manuel Amalilio, ang sinasabing nasa likod ng multibillion-peso investment scam.
Ito ang inamin ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa ilang pahiwatig ng mga biktima ng pyramiding scam na nais nilang personal na makompronta ang suspek sa oras na maiuwi sa bansa.
Ayon kay NBI-Deputy Director Virgilio Mendez, lumipad na ang 4 man team ng NBI sa Kota Kinabalu, Malaysia upang asikasuhin ang agarang deportasyon ni Amalilio.
Inaresto si Amalilio ng Malaysian authorities dahil sa pagbibitbit ng pekeng pasaporte at ID.
Sinabi pa ni Atty. Mendez na bukas (Biyernes) nakatakdang i-turn-over ng Malaysian authorities si Amalilio.
Sa kanyang pagdating sa bansa, kaagad din itong dadalhin sa pinakamalapit na korte sa Pilipinas at ididitene sa tanggapan ng NBI.
Matatandaan na iniulat na nagtago si Amalilio sa naturang bansa matapos na masangkot sa multi bilyong investment scam ang kompanya nitong Aman Futures Philippines Inc.
Kamakailan lamang, naglabas na rin ng arrest warrant ang Pagadian City Regional Trial Court laban sa iba pang opisyal ng Aman Futures dahil sa kasong syndicated estafa.