NATIKLO ng awtoridad ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nahaharap sa limang kaso ng kidnapping with serious illegal detention at may monetary reward sa ulo na P600,000 sa Barangay Kumalarang sa Isabela City, lalawigan ng Basilan, kahapon (Huwebes).
Dinala agad sa military headquarters sa Basilan para sa kaukulang disposisyon ang suspek na si Muin Hamja na may alyas na Abu Kudri, Sudjarapula at alyas Usman na residente ng nabanggit na lugar.
Si Hamja ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest ng Regional Trial Court (RTC) ng Isabela City, Basilan dahil sa pagkakasangkot nito sa ilang insidente ng kidnappinag na nangyari sa lalawigan may ilang toan na ang nakalilipas.
Napag-alaman din na ang naarestong suspek ay kapatid ng isang Muhamadiya Hamja na una nang naaresto noong taong 2001 dahil sa hinala ring miyembro ito ng ASG.
Inaasahan namang ililipat ngayong araw sa lungsod ng Zamboanga ang suspek para sa pagpapatuloy ng tactical interrogation laban dito.