KUMPLETO na sa Camp Crame ang mga pulis na nasasangkot sa sinasabing Atimonan incident nitong nakaraan Enero 6.
Ayon kay Director Catalino Cuy, hepe ng Directorate for Personnel and Records Management, nananatili ngayon sa Kiangan billeting center ang 20 mga pulis.
Si Supt. Hansel Marantan naman ay nanatiling naka-confine naman sa PNP General Hospital at nagpapagaling sa tinamo nitong tama ng bala sa katawan.
Ang pagdadala sa kanila sa Kampo Crame ay bahagi nang parusang ipinataw sa kanila ni PNP Chief Director General Alan Purisima na restrictive custody.
Ito ay para madali silang mahagilap kapag sila ay kinakailangan na isalang sa imbestigasyon.
Sila at ‘nakadetine’ sa Kiangan Hall na isang mala transient hotel sa loob ng Kampo Crame na pwedeng tirhan ng mga pulis na mula sa malalayong lugar.
Kinumpirma naman ni Chief Supt. Ma. Angela Vidal, director ng PNP Health Service na darating ang isang team ng national bureau of investigation sa ospital.
Ito ay upang kuhanan nang karagdagang pang salaysay si Marantan bilang bahagi ng imbestigasyon ng NBI.