KINASUHAN ng murder sa Quezon City Prosecutors Office ang tatlong suspek sa pagpatay kay Maconacon, Isabela Mayor Erlinda Domingo.
Ayon kay Inquest Prosecutor Rodrigo Del Rosario, bukod sa kasong murder nahaharap din ang mga suspek na sina Christian Flores Pajenado, Michael Domingo at Mary Grace Malonas-Abduhadi sa kasong attempted murder dahil sa pagkakasugat ng driver-bodyguard ng alkalde na si Bernard Planos.
Nahaharap naman sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa gun ban ng Omnibus Election Code sina Pajenado at Malonas-Abduhadi sa piskalya.
Sinabi ni Del Rosario na nakumpiska sa dalawa ang mga baril matapos madakip ng mga awtoridad.
Kaugnay nito, si Malonas-Abduhadi ay nahahaharap din sa kasong illegal possession of dangerous drugs matapos makumpiska ng mga pulis sa kanya ang hinihinalang marijuana at iba pang drug paraphernalia makaraang madakip.
Wala namang inirekomendang piyansa ang piskalya sa mga suspek para sa pansamantalang kalayaan ng mga ito.
Magugunitang si Mayor Domingo ay binaril at napatay nitong nakalipas na Martes sa harap ng Park Villa Apartelle sa corner ng Examiner Street at Quezon Avenue sa West Triangle,QC.