ARESTADO ang mayor ng Urbiztondo, Pangasinan makaraang salakayin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) National Capital Region, ang kanyang bahay at makumpiska ang ilang mga matataas na armas.
Kinilala ang inaresto na si Mayor Ernesto Balolong Jr.
Kaninang madaling-araw nang salakayin ng NBI ang bahay ng suspek na nakumpiskahan ng matataas na kalibre ng baril, bala at magazine.
Agad namang dinala ang alkalde sa Maynila para sa masusing imbestigasyon dahil sa kanyang pagkakanlong ng matataas na kalibre ng baril at bala.
Binalewala naman ng NBI ang 18 firearm license card na ipinakita ng mayor dahil hindi awtorisado ang isang alkalde na magtago ng marami at matataas na kalibre ng armas gaya ng ginagawa ni Mayor Balolong.
Matatandaan na una nang nasangkot sa krimen ang bodyguard ni Balolong na itinuturong pumatay kay dating Lingayen Vice Mayor Ramon Arcinue at misis na si Brgy. Chairwoman Zorayda Arcinue.
Ang mag-asawang Arcinue ay tinambangan sa Binmaley, Pangasinan pero nakaligtas hanggang sa matiyempuhan ang dalawa ng mga suspek sa Sampaloc, Maynila at doon na napuruhan.
The post Pangasinan mayor dakip sa mga armas appeared first on Remate.