TILA salungat sa kasabihang “blood is thicker than water” ang sitwasyon ng magkapatid nang saksakin ng kanyang nakababatang kapatid ang isang 35-anyos na construction worker makaraang magkrus ang kanilang landas at mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang diskusyon hinggil sa kanilang trabaho kamakalawa ng gabi sa Las Pinas City.
Kritikal ang kalagayan sa Las Pinas District Hospital ang biktimang si Regie Sulima, residente ng Sition Makipot, Pulang Lupa 1, sanhi ng isang tama ng malalim na saksak sa dibdib habang tumakas naman kaagad ang kanyang nakababatang kapatid na si Richmar Sulima makaraan ang pananaksak.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ernesto Bautista, Jr. ng Criminal Investigation Unit ng Las Pinas police, dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa harapan ng bahay ng magkapatid.
Sa salaysay ng testigong si Donivic Gordo, 25, nag-iinuman sila ng biktima, kasama ang iba pa nilang kasamahan sa trabaho sa kanilang bahay sa Sitio Makipot nang lumabas sandali si Regie subalit hindi sinasadya na napagawi siya sa grupo naman ng kanyang nakababatang kapatid na nakikipag-inuman din sa naturang lugar.
Nagkrus ang landas ng magkapatid kung saan nagkaroon umano sila ng mainitang pagtatalo kaugnay sa matagal na nilang alitan sa kanilang trabaho subalit kaagad silang inawat ng mga kasamahan din nilang construction worker.
Umuwi umano ng bahay ang nakababatang Sulima upang kumuha ng patalim at pagbalik at kaagad na tinarakan ng saksak sa dibdib ang biktima bago nagmadaling tumakas.
Kasong frustrated murder ang ihahain ng pulisya laban sa suspect sa Las Pnas City Prosecutors Office.