NAG-IISANG nilooban ng armadong holdaper ang isang sangay ng LBC nang pasukin at tutukan ng patalim ang nag-iisang kawani nito kahapon sa Pasay City.
Nag-aayos ng mga dokumento sa sangay ng LBC sa BAC 10, Plaza 66 Manlunas St. Villamor Airbase si Cresciene Alba, 42, customer associate ng kompanya nang pasukin at tutukan ng patalim ng nag-iisang suspek, alas-7:05 ng umaga.
Puwersahang kinuha ng suspek ang P1,830 na laman ng drawer, pati na ang mga sigarilyong nakalaan bilang promo bago kinaladkad sa loob ng stock room si Alba at iginapos ng packaging tape.
Bago tumakas ay ikinulong muna ng suspek si Alba sa comfort room at binantaan na huwag lalabas.
Nang matiyak ng biktima na wala na ang suspek, pilit niyang kinalas ang gapos at humingi ng tulong sa security guard sa katabing establisimyento.
Napag-alaman sa ulat ni PO2 Mario Golondrina ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), ng Pasay police, na posibleng nahagip ng nakakabit na close circuit television (CCTV) camera ang pangyayari kaya’t hiniling nila sa pamunuan ng LBC na bigyan sila ng kopya ng kuha na magagamit upang matukoy at madakip ang suspek.
The post LBC solong nilimas ng holdaper appeared first on Remate.