PALAISIPAN ngayon sa pulisya ang pagkamatay ng isang babaeng balikbayan na ang bangkay ay natagpuan sa loob ng kanyang kuwarto sa Quezon City kaninang umaga, Enero 5.
Hindi malaman pa kung ano ang ikinamatay ng biktimang si Ruth Doepker, 50, balikbayan mula sa Guam, USA dahil habang isinulat ang balitang ito ay isinasailalim pa sa awtopsiya ang kanyang bangkay.
Bagama’t nangangapa pa, bumuo na agad ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD ng police tracker team para hanapin ang kinaroroonan ng isang nagngangalang Dids, na ayon sa mga kapitbahay ay siyang huling nakitang kasama ng biktima sa kanyang bahay bago ito natagpuang patay.
Inilarawan ang suspek na matangkad, kayumanggi at maraming tattoo sa katawan at nakilala lamang ng biktima sa isang social networking.
Ayon sa boarders ng biktima, bago ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima ay napansin nilang may apat na araw nang hindi lumalabas ng kuwarto ang babae simula nitong pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi naman ng mga kamag-anak ng biktima, na kinatok na nila ang kuwarto ni Ruth ala-7:30 kaninang umaga subalit hindi ito tumutugon kaya sinira na nila ang pintuan at tumambad sa kanila ang bangkay nito.
Ayon pa sa kaanak ni Doepker, nawawala rin ang ilang gamit nito kabilang na ang samurai na nakatago sa aparador ng biktima.
Dahil sa nakalap na mga ebidensya at hindi rin makita pa si Dids, naniniwala ang kamag-anak ni Doepker na may kinalaman ang misteryosong lalaki sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
The post Balikbayan tinigbak ng ka-Facebook appeared first on Remate.