WALA na ang planong pagpapakasal sa kanyang kasintahan ng isang driver ng motorsiklong sumalpok sa Partas bus habang binabaybay ang kahabaan ng Barangay Anonas, Urdaneta kaninang madaling-araw, Enero 6.
Ayon sa salaysay ni Carlota Toribio, kapatid ng namatay driver ng motorsiklo na si Joseph Iban, seaman at residente ng barangay Ballige, Laoac, Pangasinan, nagbakasyon lamang ito sa Pilipinas upang pakasalan ang kanyang nobya.
Dahil sa pangyayari ay labis ang hinagpis ng kasintahan nito na matagal na panahon ding naghintay sa nobyo.
Samantala, kinilala na rin ang isa pang namatay sa malagim na aksidente na si Julius Pulido, 23, habang kritikal sa ospital ang isa pang angkas ng motorsiklo na si John Lyndon Ordonez, 18.
Ayon kay Insp. Benny Centino ng Urdaneta City PNP, ang Partas bus na may 49 pasahero ay galing sa Candon, Ilocos Sur at patungo sana sa Pasay City.
Lumalabas na lango sa alak ang driver ng motorsiklo dahil pasirko-sirko ang pagtakbo ng kanilang sasakyan na nagresulta sa pagbangga nila sa kasalubong na bus na minamaneho ni Juanito Zalasar, 35, ng Bangar, La Union.
Sinasabing pumutok ang makina ng motor na nagdulot ng sunog at pagliyab ng bus kung saan walang nailigtas na gamit ang mga pasahero na mabilis namang nakababa ng sasakyan.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng bus.
The post 2 patay sa nasunog na bus sa Urdaneta appeared first on Remate.