TINATAYANG mahigit P.1 milyon halaga ng iba’t ibang klase ng alahas at cash ang natangay ng dalawang armadong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng “Gapos gang” makaraang pasukin ang isang pawnshop kahapon sa Las Pinas City.
Personal na dumulog sa tanggapan ng pulisya sina Rodel Caluberan, 42, security guard, at isang Dante Sacayanan, 45, makaraang pasukin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang Acme Pawnshop sa Alabang Zapote Road, Barangay Almanza 1, alas-5 ng hapon.
Batay sa ulat na isinumite kay S/Supt. Adolfo Samala Jr., hepe ng Las Pinas police, habang nasa loob ng naturang pawnshop sina Caluberan at Sacayanan ay pumasok ang dalawang suspek at nagpanggap na mga kustomer.
Ilang sandali lamang ay naglabas na ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap kung saan ay iginapos ng mga ito sina Caluberan at Sacayanan.
Kinuha ng mga suspek ang service firearm ni Caluberan at pinagsabihan pa ang mga ito na babarilin sila kapag gumawa ng ingay.
Tinangay ng mga suspek ang lahat ng mga alahas at pera sa loob ng vault at agad na tumakas sa hindi nabatid na direksyon.
Nagsasagawa ng follow up operation ang pulisya laban sa mga nakatakas na suspek.
The post P.1M cash at alahas natangay ng gapos gang appeared first on Remate.