TODAS ang isa habang isa pa ang sugatan makaraang magsalpukan ang isang tanker at sports utility vehicle (SUV) sa Sitio Bayabasan sa Nasugbu, Batangas, Linggo, Pebrero 9.
Nabatid na naipit sa loob ng wasak na Honda CRV (PAO 995) ang drayber nito makaraang mabunggo sa tanker na tungong Tagaytay.
Habang isinugod naman sa ospital ang sugatang kasama nito.
“Du’n po sa paglusong ay natanaw na po namin na may matulin na truck na dumarating,” pahayag ng pahinante ng tanker na si Romeo Esguerra.
Ikinagulat umano ito ng drayber ng SUV kaya nawalan ito ng kontrol.
Kwento pa ni Esguerra na itinabi ng drayber ng trak na si Carlos Fernando ang sasakyan pero ang SUV ay “gumewang-gewang tapos pumahalang siya at tumama sa amin.”
Nakakuha sa loob ng SUV ng isang ID na may pangalang Nelson Landicho ngunit kinukumpirma pa ng awtoridad kung ito nga ang nadawit sa aksidente.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa aksidente.
The post SUV vs tanker: 1 patay, 1 sugatan appeared first on Remate.