NAGKALASOG-LASOG ang katawan ng isang 13-anyos na high school student makaraang mahulog mula sa ika-12 palapag ng isang condominium unit sa Sta. Mesa Maynila, kahapon.
Hindi na umabot nang buhay sa Lourdes Hospital ang biktima na si Joseph Emmanuel, 2nd year high school student ng Ateneo de Manila University at residente ng Unit 1403, Ilumina Residence sa 46 P. Sanchez St., Sta Mesa, Maynila.
Ayon kay SPO2 Ronald Gallo ng Manila Police District (MPD)-homicide section, base sa salaysay ni Korine Vitug, 12, estudyante at residente rin sa nasabing condo, naglalaro ang biktima sa terrace ng kanilang unit (biktima) sa nasabing lugar.
Sa pahayag naman ni Mely Villafrancia, 60, katulong sa isa pang unit ng condo na pinaalalahanan niya ang biktima na huwag maglaro sa ibabaw ng terrace at baka mahulog subalit hindi umano nakinig ang bata at nagpatuloy na naglakad nang pabalik-balik sa terrace.
Tila hindi pa umano nakuntento ang biktima at nagawa pang maglambitin sa isang metal grill.
Dahil sa sobrang pag-alala nina Vitug, isang Joseph Yap at isa pang kaibigan ay tinangka nilang tulungan ang biktima subalit hindi rin umano nila nakayanan ang bigat ng timbang ng biktima hanggang sa tuluyang mangawit at mahulog at lumagapak sa ground floor ng gusali.
Agad na itinakbo ang bata sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng tinamong bali sa katawan.
Inaalam din kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.