LIMANG contruction workers na ang kumpirmadong namatay nang bumigay ang scaffolding na kanilang tinutuntungan sa isang coal power plant sa Barangay Malaya, Pililia, Rizal nitong Linggo ng hapon (Pebrero 3).
Ayon kay Joey Marco, hepe ng Antipolo City rescuers, tatlo pa lamang sa mga bangkay ng mga biktimang sina Eduardo Fidel, Gregorio Ricalde at Roberto Mesias ang narekober mula sa rubbles.
Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy pa rin na ikinasa ang retrieval operation para mahanap ang dalawa pang biktima na sina Jeffrey Sinag at Antonio Manguerra.
Ang mga namatay na sina Fidel, Ricalde at Mesias at maging sina Sinag at Manguera ay pawang trabahador ng East West contractors.
Apat naman sa walong mga sugatan ang nakilala na sina Benedicto Batain, Rogelio Carigma, Tereso Esguerra at Golberto Rodriguez. Itinakbo sa Tanay General Hospital at apat sa kanila ang nananatiling nakaratay doon.
Naganap ang insidente dakong 1 nitong Linggo ng hapon sa isang coal plant na nasa Barangay Malaya, Pililia, Rizal.
Sinabi ni Marco na bago ang insidente ay nakatuntong ang mga biktima sa scaffolding para ayusin ang 228-foot smokestack ng coal power plant sa Barangay Malaya, Pililia, Rizal nang bigla itong mag-collapse.
Bumulusok sa lupa ang mga biktima at naipit sa ilalim ng istraktura.