ISANG bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng 21-anyos na kalalabas pa lamang ng kulungan at kilalang drug pusher nang barilin nang malapitan sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang salarin kagabi sa Pasay City.
Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Jeffrey Parino, ng 2472 M. Dela Cruz St. ng nabatid na lungsod sanhi ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kanyang tenga na tumagos sa kanyang mukha.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na inilarawan na nasa edad pagitan ng 25-30, nakasuot ng bull cap, t-shirt na may kombinasyong kulay na puti at orange, short pants, may katabaan ang pangangatawan, armado ng hindi pa nabatid na kalibre ng baril at nakasakay sa isang bisikleta na agad tumakas matapos ang pamamaril sa biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon nina SPO3 Ronaldo Frades at SPO1 Rodolfo Suquina ng Passay City police Homicide section, alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa harapan ng Yankee Store na matatagpuan sa kanto ng M. Dela Cruz at D. Jorge St. na sakop ng Barangay 129.
Nauna dito, nakikipaglaro ang biktima sa kanyang mga kaibigan gamit ang isang “dice” ng lapitan ng suspek habang sakay ng isang bisikleta kung saan walang sabi sabing binaril ito nang malapitan sa ulo at mabilis na tumakas papuntang Arnaiz Ave.
Ayon sa pulisya, nahagip ang naturang insidente sa close circuit television (CCTV) camera kung saan nailarawan ang suspek.
Ayon kay police chief S/Supt. Florencio Ortilla ng Pasay police, may hinala sila na may kaugnayan sa iligal na droga ang pagkakapaslang sa biktima makaraang makatanggap sila ng impormasyon na pinagpapatuloy umano ng nasawi ang kanyang iligal na aktibidades matapos itong makalabas Pasay City Jail noong Disyembre, 2013.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naturang kaso.
The post Pusher binoga sa ulo sa Pasay, patay appeared first on Remate.