NAGPAKAMATAY sa pamamagitan nang pagtalon sa footbridge ng EDSA Rotonda ang 26-anyos na lalaki kaninang umaga sa Pasay City.
Naisugod pa ng mga umrespondeng tauhan ng Pasay Rescue Team ang biktimang si Romuel Joves, ng Block 10 Lot 12 Kalayaan Village, Brgy 201 sa Pasay City General Hospital subalit namatay din makaraan ang tatlong oras.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-8 ng umaga habang patungo sana ang biktima at kanyang inang si Lude Briones, 66, sa isang pagamutan upang magpatingin kaugnay sa kakaibang ikinikilos ng biktima.
Napag-alaman na kumain muna sa isang fast food restaurant ang mag-ina at nang matapos ay umakyat ng hagdanan patungong MRT ang biktima na sinundan kaagad ng ina.
Nagulat na lamang ang ginang ng biglang mangunyapit ang anak sa footbridge na nag-uugnay sa MRT at LRT at bigla na lamang tumalon.
Napag-alaman na nagsimula ang kakaibang ikinikilos ng biktima mula nang mapaalis sila sa tinitirhang bahay at lupa ng kinakasama ng kanyang ama na nauwi sa demandahan. Ang biktima ang laging dumadalo sa pagdinig sa kasong nakabimbin sa Pasay City Regional Trial Court.
Kahapon, sinabi ni Briones na kinutya ng ilang kapitbahay ang kanyang anak dahil sa kakaibang ikinikilos at sinabihan umano ang ginang na dalhin na sa mental hospital ang anak.
Ayon sa pulisya, posibleng dinamdam ng biktima ang panlalait ng kapitbahay kaya’t nagpasyang magpakamatay.
The post May sayad tumalon sa EDSA footbridge todas appeared first on Remate.