NAGHAHANDA na ang pamahalaan sa pagdating sa bansa ng bangkay ng dalawang Pinoy na namatay sa gas explosion sa Qatar.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Qatar sa sponsor at employer ng mga Pinoy worker na kabilang sa mga namatay at nasugatan sa pagsabog sa isang Turkish restaurant sa Doha, Qatar.
Ayon kay Philippine Ambassador to Qatar Crescente Relacion, minamadali na ng emabahada doon ang pagpapauwi sa mga labi ng dalawang Pinoy worker na kabilang sa insidente.
Kaugnay nito, inihahanda na rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng OWWA ang pagsalubong kasama ng pamilya para sa pagdating ng bangkay ni Romar Faduhilao at ng isa pa.
Tiniyak din ng OWWA na ibibigay ng gobyerno ang mga kinakailangang benepisyo sa dalawang Pinoy maliban pa sa matanggap na tulong mula sa mga employer nito.
Una nang iniulat ng ambahador sa Qatar na nagtatrabaho bilang mga merchandisers sa isang supermarket ang overseas Filipino workers.
Batay na rin sa inisyal na imbestigasyon, itinuturing ng mga awtoridad na aksidente ang nangyaring pagsabog.
Nag-deploy na ng welfare officers ang Philippine Embassy sa Qatar para tulungan ang dalawang kababayang nasugatan sa nangyaring pagsabog sa kabisera ng Doha.
The post Bangkay ng 2 Pinoy sa gas explosion sa Qatar, iuuwi na sa bansa appeared first on Remate.