KAGIMBAL-GIMBAL ang inabot ng pitong katao na kinabibilangan ng mag-lolo matapos makulong sa nasusunog na bahay habang nasa kasarapan ng pagtulog kaninang madaling-araw sa Brgy. Tinajeros, Malabon City.
Kinilala ang mag-lolo na sina Tomas Cruz, 72; anak na si Maylene Cruz-Mateo, 38; ang dalawang apo na sina Lelei Mateo, 10 at Raylei Mateo, pawang ng Espiritu St., naturang barangay.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng tatlo pang nasawi na halos hindi na rin makilala sanhi ng grabeng pagkatusta.
Base sa imbestigasyon, alas-2:20 kaninang madaling-araw nang magsimula ang sunog sa hindi matukoy na bahay sa kahabaan ng Espiritu St., Brgy. Tinajeros.
Nabatid na isang tawag mula sa telepono ang natanggap ng pulisya hinggil sa nagaganap na sunog sa naturang lugar na agad namang nirespondehan ng mga tauhan ng pamatay sunog.
Dahil sa kasikipan ng lugar ay nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy kaya’t umabot ito sa 4th alarm at idineklarang under control bandang 5:27 ng madaling-araw.
Sa salaysay pa ng mga residente, bigla na lamang kumalat ang apoy at hindi pa alam ng mga ito kung kaninong bahay nagsimula na hinalang nagmula sa mga tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG).
Pinaniniwalaang nasa kasarapan ng tulog ang pitong nasawi kaya hindi na nakalabas ang mga ito ng kanilang bahay nang magsimula ang apoy.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung ano ang pinagsimulan ng apoy na tumupok sa 100 kabahayan at nakapinsala sa 1,000 residente.
The post 7 patay sa sunog sa Malabon appeared first on Remate.