SUGATAN ang dalawang Dutch nationals nang pagsasaksakin ng ka-live-in ng babaeng pinopormahan ng isa sa kanila sa Bacolod City nitong Lunes ng gabi, Marso 24.
Isinugod sa pagamutan sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang magkabigan na sina Jacob Nicolas Nap, 60-anyos at Roberto Teodoros Mariamons, 51-anyos, kapwa na tumutuloy sa Purok Dubai, sa Barangay Alijis.
Hinahanting na ng pulisya para panagutin sa krimen ang suspek na si Ricky Bonifacio, 46-anyos, tubong Capiz.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-10:25 nitong Lunes ng gabi sa tapat ng isang sari-sari store sa Barangay Alijis, Bacolod City.
Sa imbestigasyon, bago ang insidente ay nakakahalata ang suspek na palaging sumasama ang kanyang ka-live-in na si Grace Dalag, 26-anyos sa kapatid nitong si Alma Dalag, 29-anyos na misis ni Nap sa tuwing mamamasyal kasama si Mariamons.
Hinala ng suspek na nirereto ng kanyang hilaw na hipag (Alma) ang kanyang ka-live-in kay Mariamons.
Lalong nagalit ang suspek nang makita ang apat na masayang nag-iinuman sa isang tindahan kaya sinaksak nito si Mariamons.
Sinaksak din ni Bonifacio si Nap nang tangkain nitong tulungan ang kanyang kaibigan.
Kaugnay nito, hinigpitan naman ng pulisya ang pagbabantay sa mga pier dahil sa posibleng pagtakas ng suspek pauwi sa kanilang lugar sa Capiz.
The post 2 Dutch natl’s sinaksak ng selosong karibal appeared first on Remate.