NAPARALISA ang linya ng komunikasyon ng halos lahat ng malalaking establisyemento kabilang ang ilang sangay ng bangko sa kahabaan ng Libertad Street matapos nakawin ang malalaking kable ng telepono ng mga miyembro ng “spaghetti gang” sa Pasay City.
Kinumpirma ng sangay ng Banco De Oro (BDO) sa Libertad Street na noon pang Abril 10 naparalisa ang kanilang operasyon matapos mabigo ang Philippine Long Distance Company (PLDT) na mapalitan ang mga ninakaw na malalaking kable ng telepono na nakabaon sa kahabaan ng Arnaiz Avenue na posibleng isinagawa ng mga kawatan noong Abril 9, Araw ng Kagitingan.
Ayon sa security guard ng isang sangay ng BDO, hindi pinahintulutan ng Pasay Traffic Management Bureau ang pagkukumpuni at pagpapalit ng mga ninakaw na kable ng PLDT sa kahabaan ng Arnaiz Avenue dahil lilikha ito ng grabeng pagsisikip ng trapiko na makaaapekto, hindi lamang sa lungsod kundi maging sa area ng Makati at Manila.
Tiniyak naman ng PLDT na mapasisimulan ang pagsasaayos at pagpapalit ng mga ninakaw na gahiganteng mga kable ng telepono ngayong Semana Santa dahil nagbigay na ng pahintulot dito ang traffic bureau at maging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa oras na mapalitan na ang mga ninakaw ng kable, posibleng sa Abril 21, araw ng Lunes, ay makapagsisimula na sa normal na operasyon ang sangay ng BDO sa naturang lugar, pati na ang mga naapektuhang linya ng telepono.
Napag-alaman na bagama’t naibalik ng PLDT ang malaking porsiyento ng naputol na linya ng telepono sa naturang lugar, nagkapalit-palit naman ang linya sa iba’t ibang establisyemento habang ang linya naman na pinagkukuhanan ng sistema ng ilang bangko ay hindi pa rin naibabalik kaya’t “offline” pa rin ang ilang sangay hanggang sa kasalukuyan.
The post Spaghetti gang sumalakay sa Pasay appeared first on Remate.