MAGING ang maybahay ni Senator Ping Lacson ay hindi pinatawad ng mga kawatan matapos na hablutan ng hikaw sa C.M Recto sa Divisoria kaninang tanghali, Abril 17.
Sa report ng MPD-PS2, namimili si Gng. Alice Lacson nang hablutin ng suspek na nakilala lamang sa pangalang “Nognog”, walang permanenteng tirahan, ang kanyang hikaw sa may kanto ng Sto. Cristo at Recto Avenue, Tondo, Maynila.
Agad namang nagreport sa pulisya si Gng. Lacson kung saan nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa paligid ng Divisoria. Nang makita ang suspek ay agad itong inaresto.
Ayon kay Gng.Lacson, pamana pa umano ng kanyang ina ang hikaw kaya naman napakahalaga nito sa kanya.
Pumiyok naman ang suspek na naibenta na niya ang hikaw, gayunman, nabawi rin ito sa pinagbentahan.
Nadismaya si Gng.Lacson sa kapulisan ng Maynila dahil nakakumpol lamang aniya sa kanto ng Juan Luna at Recto kung saan naroon ang outpost ng Task Force Divisoria.
The post Misis ni Sen. Ping Lacson, nahablutan ng hikaw sa Maynila appeared first on Remate.