ISA sa sinisilip ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) na motibo sa pagpatay sa isang lola ay ang hindi nito pagpapautang ng shabu sa kanyang suki.
Sinabi ni SPO1 Pascual Fabreag, ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na tila ayaw bitiwan ng biktimang si Winnifreda Tanopo, 62, ang dalawang sachet ng shabu na nakapuyom sa kanyang kanang-kamay kaya malamang na ang pagpatay dito ay may kaugnayan sa pagbebenta ng droga.
Dahil aniya sa hawak pa ng biktima ang shabu na ikinakalakal, malamang na hindi nito pinautang ang hindi pa nakikilalang suspek na lulong sa masamang bisyo kaya siya pinagsasaksak nito.
Si Tanopo ng Baetiong compound, Old Samson Road sa Barangay Apolonio Samson ay nagtamo ng anim na saksak sa iba’t ibang parte.
Ang maraming bilang ng saksak ay palatandaan na galit na galit at kahit matanda na ang biktima ay hindi pinatawad ng salarin na sumakay ng traysikel sa pagtakas.
Ayon sa nakasaksing si Divina Flores, nagbabalot siya ng uling nang mapansin ang isang traysikel na humahagibis malapit sa Riverview Market sa Old Samson Road dakong 2:30 ng Linggo ng madaling-araw.
Kinutuban, pinuntahan niya ang puwesto ni Tanopo at nakitang nakabulagta na ang biktima.
The post Lola na hindi nagpautang ng shabu, kinatay appeared first on Remate.