KALABOSO ang apat na holdaper na pawang binubuo ng mga kabataan nang madakip ng mga nakatalagang pulis sa 34th ASEAN Association of Chief of Police (ASEANPOL) Conference kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Kinilala ni Pasay police chief Senior Supt. Florencio Ortilla ang mga nadakip na suspek na sina Alvin Regino, 24, Anthony Enriquez, 25, Joel Hanz, 22, at Angelo Soriano, 22, pawang mga residente sa naturang lungsod.
Matatandaang iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima ang pagtatalaga ng 2,000 pulis na mangangalaga sa seguridad sa idaraos ngayong 34th ASEANPOL sa Sofitel Hotel sa CCP Complex, Pasay City.
Ala-1:30 ng madaling-araw nang magsagawa ng panghoholdap ang mga suspek, kasama ang isa pang hindi pa nadarakip, sa tatlong pasahero ng jeep sa Buendia Avenue.
Pumalag ang isa sa mga biktima habang sinasamsam ng mga holdaper ang kanilang mga gamit kaya nagpaputok ng baril ang isa sa mga suspek.
Nagkataong nagpapatrulya sa lugar ang mga kagawad ng Special Reaction Unit ng Pasay police kaya kaagad nilang nadakip ang tatlo sa limang suspek habang nasakote sa follow-up operation ng pulisya si Soriano.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang kalibre .22 na baril, isang kalibre .38 at isang kalibre .32 na ginamit sa panghoholdap.
The post 4 kelot, timbog sa holdap sa Pasay appeared first on Remate.