PATAY ang isang negosyante at kanyang helper nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa bahagi ng National highway ng Bgy. Lang-ayan, Currimao, Ilocos Norte kaninang madaling-araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Norberto Arce, 34, ng Vigan City na agad namatay sa insidente at ang helper na si Limar Agdeppa, ng Bgy. Cabaranbanan, Sinait, Ilocos Sur.
Ayon sa salaysay ni Ilocos Sur Board Member Edgar Yabes, kapatid ng biyenan ng isa sa mga biktima, nangyari ang insidente matapos mag-deliver ang mga biktima ng mga produktong tabako sa Bgy. Billoca, Batac City.
Tinamaan ang mga biktima ng bala ng kalibre .45 sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na dahilan ng kanilang kamatayan.
Lumalabas na may lead na ang mga awtoridad sa naturang insidente ngunit patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.
Ayon naman sa biyenan ni Arce, nakapag-text pa ang kanilang helper na si Agdeppa sa kanila at ipinaalam na may bumaril sa kanila sa bayan ng Currimao.
Ang mga biktima ay tinatayang may hawak na humigit kumulang P400,000 na pinagbentahan ng mga produktong tabako.
The post Mag-amo niratrat sa Ilocos Norte, todas appeared first on Remate.