NAGING madugo ang pagtatapos ng hostage taking incident sa San Juan City makalipas ang halos 10 oras.
Ito’y matapos magbaril sa sarili ang security guard na si Charlemaign Aton, makaraang barilin ang biktimang si Atty. Solomon Condonuevo, 67, na ngayo’y nasa kritikal na kalagayan sa pagamutan.
Matatandaan na mahigit sampung oras na hostage ng security guard ang abogado sa N. Domingo, Barangay Balonbato, San Juan.
Lunes pa ng gabi nang bihagin ng suspek na si Aton, 35, ang abogadong si Condonuevo na umabot hanggang alas-6:56 kaninang umaga.
Ayon kay Sr. Supt. Joselito Daniel, hepe ng San Juan Police, nagkaroon ng bahagyang sagutan ang dalawa kagabi nang may ipinahahanap na susi ang abogado sa suspek na noon ay nakainom ng alak.
Naganap ang hostage taking sa loob ng isa sa mga silid ng apat na palapag na gusaling pinapasukan ni Aton kung saan nag-oopisina ang abogado.
Nakasarado rin ang gate ng gusali kaya hindi makapasok ang mga pulis.
Armado ng kalibre .38 si Aton na ipinutok sa biktima.
Noong una’y wala pang malinaw na demand ang suspek subalit nang magtagal, nagsimula nitong hanapin sa mga awtoridad na makausap si Luz Robles na dati niyang nobya.
Pero nang puntahan si Robles sa kanyang bahay sa Bacood, Sta. Mesa, nabatid na nasa Mindanao na ito at hindi rin alam kung paano mako-contact.
Dumating na sa lugar ang kapatid ni Aton na si Gigi upang pakalmahin ang suspek na noong Linggo pa hindi kumakain.
Nasa lugar na rin ang mga kaanak ng abogado.
Nagawa pa itong makausap sa telepono ng isa sa mga anak niya sa loob ng 30-segundo at sinabing nasa ligtas naman siyang kondisyon.
The post Hostage taker sa San Juan nagbaril sa sarili appeared first on Remate.