MALAKI ang posibilidad na maging bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa susunod na 48 oras at maaaring mag-landfall sa extreme Northern Luzon o maari ring lumihis ng direksiyon sa bansa.
Huling namataan ang LPA sa layong 770 kilometro sa silangan ng Borongan, Eastern Samar.
Kapag naging bagyo ay tatawagin itong tropical depression Kanor.
Ang Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao ay makararanas ng maulap na kalangitan na may mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap hanggang sa may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog lalo na sa dakong hapon at gabi.
Mahina hanggang sa katamtamang hangin ang iihip mula sa hilagang-silangan hanggang sa timog-silangan ang iiral sa Luzon at mula sa timog-kanluran hanggang sa kanluran sa nalalabing bahagi ng bansa.
Ang mga baybaying-dagat sa buong kapuluan ay magiging banayad hanggang sa katamtaman ang pag-alon. Johnny F. Arasga