ARESTADO ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mag-asawang tulak ng shabu matapos ang pagpapatupad ng search warrant operation laban sa mag-asawa sa Daet, Camarines Norte noong February 21, 2013.
Kinilala ang mga nahuling suspek na sina Modesta Villareal, 46, empleyado ng gobyerno at asawa niyang si Rodel Villareal, 48 , tricycle driver, kapwa ng Purok 7, Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte.
Pasado alas 12:40 ng madaling-araw nang isilbi ng mga elemento ng PDEA Regional Office 5 (PDEA RO5) sa pangunguna ni Director Archie A Grande ang search warrant na inilabas ni Honorable Roberto A Escaro, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 38, Daet, Camarines Norte, sa bahay ng mag-asawang Villareal na kanilang inaresto.
Nakuha sa bahay ng mag-asawa ang may 36 sachet ng shabu na may 14 gramo at tinatayang nasa P180,000 ang halaga at drug paraphernalias.
Dahil dito, nahaharap ang mag-asawa sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Article II ng Republic Act 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.