ISANG pasugalan na ang karamihan sa mga parokyano ay mga tauhan at opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang sinalakay nitong Lunes ng mga kagawad ng Manila Police District-District Police Intelligence Unit.
Base sa imbestigasyon ng Remate, nabatid na isang ilegal na poker room ang sinalakay ng mga tauhan ni MPD-DPIU C/Insp. Daniel Buyao na nakilala ang team leader na isang Sgt. De Jesus, kasama sina Sgt. Salonga at Sgt. Concon.
Base sa panayam sa isa sa mga naaresto na si Noel Villena, naglalaro sila ng poker sa pamamagitan ng paggamit ng poker chips nang bigla na lamang pumasok ang mga pulis at inaresto sila.
Una umanong sinamsam ng mga pulis ang pera sa kanilang mga bulsa na umabot sa P8,000 ang nakuha kay Villena.
Hinuli ang mahigit sampung katao buhat sa Opalo St. Maynila at dinala sa himpilan ng DPIU, pati may-ari ng bahay na si Jaime Marquez, isa ring tauhan ng PAGCOR na dinala naman sa MPD.
Ngunit sa hindi malamang dahilan ay mabilis na pinawalan si Marquez nang lumutang ang kapatid nitong pulis din sa MPD na isang Police Officer 3.
Naiwan ang mga manunugal sa DPIU kung saan nang magtungo ang reporter ng Remate upang alamin ang sitwasyon ay pilit na itinatago ang mga suspek.
Nakunan ng Remate ng larawan ang mga nasamsam na poker chips at ang mga manlalaro kahit hindi ito pinahintulutan ng DPIU.
Nabatid na kinaumagahan ay pinalaya rin ang mga nahuli kapalit ng halagang P.2-M.
Sa kasalukuyan ay pinaiimbestigahan na ni MPD Dir. Gen. Alex Gutierrez ang naturang insidente ng hulidap.