KRITIKAL ang 35-anyos na ginang matapos 15 ulit na saksakin ng napraning na pamangkin nang umawat sa away nila ng kanyang kinakasama at mauwi sa “hostage drama” kagabi sa Marikina City.
Kinilala ang suspek na si Naarel Buena, 24, ng J.P. Rizal st., Brgy. Calumpang, nasabing lungsod.
Nilalapatan naman ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center (ARMC) ang biktimang si Gina Villoan, tiyahin ng suspek at residente ng nasabing lugar.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-11:00 ng gabi sa loob ng kanilang bahay kung saan ay nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang kinakasamang si Christine, 25.
Nakialam umano ang biktima kung kaya ito ang napagdiskitahan ng suspek at pinagsasaksak ngunit nagawang makalabas ng bahay at makahingi ng tulong sa mga kapitbahay na siyang nagdala sa kanya sa ospital.
Agad ding nakahingi ng tulong sa pulisya ang mga kalugar ng biktima na mabilis rumesponde, subalit ginamit na hostage ng suspek ang kinakasama at siyam na buwang anak nito.
Nagbanta rin ang suspek sa mga pulis na huwag magpadalos-dalos sa kanilang aksiyon para hindi magkaroon ng problema at saka humingi ng tatlong stick ng sigarilyo.
Makalipas ang halos mahigit isang oras ay nakumbinsi naman ng pulisya ang suspek na sumuko at hindi naman sinaktan ang kanyang hostage ngunit dinala pa rin sa pagamutan para sa kaukulang check-up.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa sa suspek na pansamantalang nakakulong sa lock up jail ng Marikina PNP.