PATAY ang isang 57-anyos na obrero habang sugatan naman ang isang babae na tinamaan ng ligaw na bala nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin ang nauna habang nakikipaglamay sa namayapa nitong kasamahan sa trabaho Huwebes ng gabi sa Paranaque City.
Agad binawian ng buhay ang biktimang si Alfredo Jaway, naninirahan sa Silangan St., Masville, Barangay BF Homes, sanhi ng tama ng bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang sugatan naman matapos tamaan ng ligaw na bala sa kanang braso si Rosalina Padida, 42, na isinugod kaagad sa malapit na pagamutan.
Nabulabog at nagkanya-kanyang takbuhan naman ang iba pang naglalamay na sinamantala naman ng suspek sa kanyang pagtakas, bitbit ang ginamit na armas.
Lumabas sa imbestigasyon nina SPO2 Reynaldo Arojado at SPO1 Christopher Bilangel ng Homicide Section ng Parañaque police na dumalaw upang makiramay ang biktima sa namayapang kasamahan sa trabaho na nakaburol sa Silangan Site, Masville Barangay BF Sucat dakong alas-7:00 ng gabi nang pagbabarilin ng nag-iisang suspek.
Hindi pa mabatid ng pulisya ang motibo sa nangyaring pamamaslang habang nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang limang basyo ng kalibre .45 baril na ginamit ng suspek sa pamamaslang.