NAKUWELYUHAN na ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang ginang sa Barangay Salvacion, La Loma, Quezon City nitong nakaraang Miyerkules ng umaga.
Sinabi ni Quezon City Police District director Chief Superintendent Richard Albano, nahuli nila ang suspect na si Simon Orbano pero hindi naman idinetalye nito kung paano at saan ito nahuli. Isinalang na si Orbano sa masuyhing interogasyon para mapiga sa ikinasang krimen.
Hinahanting naman ng pulisya ang isa pang kasamahan ni Orbano na pansamantalang hindi muna ibinunyag ang pangalan alinsunod sa kanilang ikakasang pagtugis dito.
Si Orbano ang registered owner ng Mitsubishi Adventure (WGB-738) na ginamit na getaway vehicle at inabandona sa parking lot ng Sto. Domingo church sa may kanto ng Quezon Avenue at Biyak na Bato street sa pagpatay sa biktimang si Maria Salud Gatmaitan, 59-anyos ng Ipoh St., Barangay Salvacion, Q.C.
Sugatan din sa insidente ang biyenan ni Gatmaitan na si Noemi Pineda at ang kasambahay na si Maila Padera na kapwa nagpapagaling na lamang sa Chinese General Hospital.
Ayon kay Albano, hindi pagnanakaw ang motibo sa pagpatay dahil si Orbano ay mister ng tiyahin ni Gatmaitan kaya malamang na may mas malalim na dahilan o pang pamilya ang pinagugatan ng krimen.
Ayon sa mga testigo, may bitbit na mga dokumento ang tumakas na suspect na nagmula sa bahay ng mga Gatmaitan kaya malamang na titulo sa lupa o iba pang dahilan na may patungkol sa papeles ng mga ari-arian.