NATAGPUAN na ang empleyado ng ABS-CBN na iniulat na nawawala nitong nakaraaang Martes
Si Obdulia “Dolly” Cruz, administration officer ng finance department ng naturang ay nasa pangangalaga na ngayon ng isang police station sa Baguio City.
Hindi pa idinetalye ng awtoridad kung paano natagpuan si Cruz at kung ano ang ginagawa nito sa Baguio City o kung may tumangay dito at inabandona sa nasabing lungsod.
Habang isinusulat ang balitang ito, tumulak na ang kamag-anak ni Cruz sa Baguio City upang sunduin ito at maibalik sa Maynila.
Inireport ang pagkawala ni Cruz nitong nakaraang Martes ng hapon.
Ayon sa mga kaopisina ni Cruz, pumunta ito sa sangay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon Avenue dakong alas-9:00 ng umaga para asikasuhin ang ilang dokumento ng kumpanya.
Dala lamang ni Cruz ang kanyang wallet at cellphone at naiwan ang kanyang bag sa opisina.
Ayon naman sa empleyado ng BIR, dakong alas-10:00 ng umaga nang umalis si Cruz sa kanilang tanggapan. Simula noon hindi na ito nakabalik pa sa ABS-CBN.