IPINAHAYAG ni Bicol Kabataan Party-list (KPL) regional coordinator Arvin Reola na dahil sa inalis na scholarship grant, nagpakamatay ang isang fourth year BS Agriculture student ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA).
Nabatid na wala ng buhay nang matagpuan habang nakabitin ang katawan ng estudyante.
Ang 25-anyos na biktima ay napag-alamang recipient ng Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang mga mag-aaral na nasa ilalim nito ay nakakatanggap ng P30,000 kada semester para sa kanilang tuition fee, allowance at iba pang gastos.
Sa inisyal na imbestigasyon, hindi na tinanggap ng CBSUA Office of Student Affairs and Services ang mga dokumento ng biktima matapos makakuha ng mga bagsak na marka sa ilang mga subject nito.
Nabatid na pinasok din ng estudyante ang pagiging school utilities helper tuwing weekend para sa kanyang pang-araw-araw na gastos.
Ayon sa mga magulang ng biktima, nakita nila ang paghihirap sa kanilang anak lalo pa’t hindi rin nila ito kayang pag-aralin mula sa kinikita sa pagsasaka.
Kaugnay nito, nakatakda namang magsagawa ng nationwide walk-out protests ang grupo kaugnay sa pagkamatay ng biktima at maging ang patuloy na pagtaas ng tuition at iba pang koleksyon sa darating na ika-27 ng Pebrero hanggang Marso 11. JOHNNY ARASGA