SUGATAN ang tatlo katao habang nawasak naman ang dalawang sasakyan at isang pedicab makaraang bumagsak ang isang kongkretong poste ng kuryente na nasabitan ng malaking trailer truck sa Tañong, Malabon City, kaninang umaga.
Inoobserbahan sa Pagamutang Bayan ng Malabon sina Jeson Delero, 19, pedicab driver at Norlito Tabasaw, 34. Ang dalawa ay pawang residente ng 1st St., Tañong ng lungsod.
Isinugod naman ang isang hindi nakilalang lalaki sa Tondo Medical Center.
Sa ulat, dakong alas-8:45 ng umaga, tinatahak ni Jeofrey Padua 77, driver ng trailer truck (plakang TXX-625), ang kahabaan ng C-4 at dahil sa may kabilisan ang takbo ay sumabit ang kargamento sa kuryente na naging dahilan para mabuwal ang poste at bumagsak sa mga nasabing sasakyan.
Kapwa nabasag ang mga salamin at nagkayupi-yupi ang sasakyan nina Nonito Gonzales, 58, ng Novaliches, Quezon City (taxi – plakang UVD-431) at Maria Isabel y Calayag, ng Raja Calantiao St., Daang Hari Navotas City (Toyota Innova – plakang ZNK- 704). Masuwerteng hindi nasaktan ang dalawa sa pangyayari.
Nahagip ng bumagsak na poste ang tumatawid na pedicab na minamaneho ni Delero.
Sumuko naman sa awtoridad si Padua na nahaharap sa kasong multiple damage to property at physical injuries.