TUMIMBUWANG ang anim na mga sibilyan habang marami naman ang nasugatan nang sumalakay ang teroristang Abu Sayyaf sa isang komunidad sa Brgy. Tubigan sa munisipyo ng Maluso sa lalawigan ng Basilan kahapon ng umaga, Lunes.
Sa ulat ng Joint Task Force Basilan, alas-5:30 a.m. nang umatake ang mga bandido na nakasuot pa ng mga camouflage uniforms at nagpaulan ng bala sa mga bahay at nakakasalubong nilang mga sibilyan.
Nagpanggap na mga sundalo ang mga bandido at nagsasalita pa ng tagalog kaya hindi napansin ng mga Cafgu na nagbibigay ng seguridad sa lugar na mga Abu Sayyaf na pala ang kanilang kaharap at may masamang plano sa lugar.
Nabatid na sinunog din ng mga bandido ang apat na mga bahay kasama ang barangay health center.
Kabilang sa anim na kumpirmadong patay ay ang isang kasapi ng CAFGU na nakilalang si Reynaldo Esparcia, 50, na napag-alamang pinagtataga pa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kasama rin sa mga napatay sina Martin Jalad, 13, habang ang iba pang nasawi ay sina Tadzma Atakani, 31, Dadang Hassan, 38, Ajid Aminulla, 32 at Carmina dela Cruz, 23.
Dumating na sa Zamboanga City lulan ng commercial vessel ang apat sa mga sugatang biktima na idiniretso sa magkahiwalay na ospital sa lungsod.
Sa ngayon, 11 na ang kinumpirma ng awotoridad na sugatan sa nasabing pag-atake.
May natanggap naman na impormasyon, na tatlo pa sa mga sugatang biktima ang binawian na rin ng buhay sa ospital pero kinukumpirma pa ang nasagap na balita.
Patuloy na tinutugis ng militar ang mga tumakas na bandido na responsable sa madugong pag-atake. BOBBY TICZON