HINDI man nasilo ang target ng pagsisilbi ng search warrant, nakakumpiska naman ang pulisya ng shabu mula sa runner nito sa Quezon City kagabi, Miyerkules.
Ayon sa Quezon City Police District-District Drug Enforcement Unit (QCPD-DDEU), naihawla nila ang runner na nakilalang si Anthony “Butchoy” Pantinople, na katiwala at pinagmamantine ng drug den ng suspect na si Osing Morales. Si Morales na target ng search warrant ay miyembro ng Bonnet Gang at robbery hold-up group.
Bagama’t wala si Morales nang isagawa ang pagsisilbi ng serch warrant, nahuli si Pantinople dahil sa sobrang bangag sa droga at nakumpiska sa kanya ng 20 gramo ng shabu na may street value na P200,000.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 10 p.m. sa bahay ni Morales sa na ginagawang drug den sa may Feria Rd., Brgy. Old Balara, Q.C.
Ayon kay P/Insp. Ferdinand Mendoza, QCPD-DDEU chief, bago ang insidente ay isisilbi ng mga operatiba ng DDEU ang isang search warrant sa paglabag sa Comprehensive Drugs Act laban kay Morales.
Maliban sa shabu, nakakumpiska rin ang operatiba ng mga bala sa loob ng drug den ni Morales.
Dinala si Pantinople sa Camp Karingal habang patuloy na hinahanap si Morales, ayon pa sa ulat. BOBBY TICZON