LIMA ang agarang namatay habang 11 naman ang nasugatan nang sumalpok ang kanilang sinasakyang pampasaherong dyip sa isang konkretong poste sa Cavite town kaninang Miyerkules ng umaga, Setyembre 6.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong pinsala sa iba’t bang bahagi ng katawan ang mga biktimang hindi pa nakikilala.
Isinugod naman sa Kawit Kalayaan Hospital at Divine Grace Medical Center sa General Trias, Cavite ang mga sugatang biktima kabilang ang driver ng dyip na may plakang DVK-713. Karamihan sa mga biktima ay mga estudyante at empleyado ng mga ospital.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 6:15 a.m. sa Centennial Rd. sa Kawit, Cavite.
Bago ito, nagmula ang dyip sa Tanza at papuntang Zapote nang pagsapit sa lugar ay biglang nadulas sa kalsada ang dyip na may 16 sakay saka sumalpok sa poste ng kuryente.
Sa lakas ng pagsalpok, nabasag at natanggal ang windshield at nayupi ang unahan ng dyip na dahilan kaya naipit ang mga pasahero.
Ayon kay C/Insp. Jeffrey Punzalan ng Kawit police station, “self-accident” ang pagkakabangga ng dyip. BOBBY TICZON