POSIBLENG maharap sa kasong perjury o pagsisinungaling ang lalaking nakakita at nagtakbo sa hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III sa Chinese General Hospital (CGH).
Ito’y matapos makakita ang Manila Police-Homicide investigators ng inconsistencies o hindi nagkakatugma sa kanyang mga pahayag.
“He’s already a person of interest. His statement is under oath. We can file appropriate perjury charges against John Paul Solano” pahayag ni Manila Police District (MPD) spokesman Erwin Margarejo.
Ayon kay Solano natagpuan niya ang katawan ni Castillo na nakasalampak sa bangketa sa kanto ng H. Lopez Boulevard at Infanta Street sa Balut, Tondo, noong Linggo ng umaga.
Gayunpaman, pinasinungalingan ito ng Barangay officials at nagpalabas ng isang sertipikasyon na walang nakitang bangkay sa kanilang lugar.
Namatay si Castillo, 22-anyos at University of Santo Tomas (UST) student, matapos dumalo sa “welcoming rites” ng Aegis Juris fraternity noong nakaraang Sabado ng gabi. Kinumpirma ng MPA na namatay si Castillo sanhi ng hazing.
“Well, kakasuhan natin siya (Solano) considering [na] dinispute na nung barangay [‘yung sinabi niya],” pahayag ni Margarejo.
“Kaya, definitely under oath ‘yung iyong testimony. If it is under oath, sinumpaan mo ‘yan tapos biglang dinispute ng baranggay through CCTV eh di siguro naman the video will always speak for itself,” dagdag nito.
Inaalam pa ngayon ng MPD ang ulat na si Solano ay isa rin law student.
Nalaman na lamang ng pamilya Castillo ang nangyaring masama sa kanilang mahal sa buhay nang makatanggap ang nanay ng biktima na si Carminia Castillo ng isang anonymous text message na nagsasabi na ang kanyang anak ay dinala sa Chinese General Hospital. BOBBY TICZON