HANGGA’T maaari ay hulihin nang buhay ang mga tatargetin na motorcycle-riding suspects, ayon sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa sa kanyang mga tauhan.
Gayunman, sinabi ni Dela Rosa na hindi niya matiyak kung ang mga ilalatag na operasyon ay hindi magiging madugo.
“Keep them alive para walang problema, walang kaso. It’s so foolish of us to insist on killing these suspects unnecessarily. We have been facing a lot of criticisms already bakit namin patayin ‘yan na hindi naman dapat patayin,” pahayag nito sa isang press conference kaninang Lunes ng umaga.
Nauna nang sinabi ng PNP chief na prayoridad nila ngayon na bantayan ang mga riding-in-tandems matapos na alisin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang liderato na mamuno laban sa illegal drugs.
Pero nilinaw naman ni Dela Rosa na nais din niya na ang kanyang mga tauhan ay manatili ring buhay.
Ang mga motorcycle-riding criminals aniya ay armado at mapanganib kaya kailangang preparado ang kanyang mga tauhan para ipagtanggol ag kanilang sarili.
Base aniya sa datos na nakalap ng Directorate for Investigation and Detective Management, 33% ng mga napatay na naitala mula July 1, 2016 – September 30, 2017 ay kagagawan ng motorcycle-riding criminals. BOBBY TICZON