UTAS ang dalawang hinihinalang karnaper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Brgy. Balingasa, Quezon City kagabi, Nobyembre 28, 2017.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang nasawing suspek mula sa nakuhang Philhealth card sa isa sa mga suspek na si Emmanuel Melegrito, 52, tubong Tanay, Rizal at taga-Brgy. 666, Zone 72, District V, Ermita, habang hindi pa nakikilala ang isang suspek na tinatayang 45 – 50-anyos, katamtaman ang pangangatawan, kayumanggi ang balat at nakamaong pants at blue T-shirt.
Sa ulat ng QC police, ipinarada ng complainant na si Alejandro Dapadap ang kanyang Yamaha Mio Sporty motorcycle na may plakang no. 8908-SD sa harap ng fastfood store sa E. Rodriguez Ave., Quezon City dakong 11:45 kagabi ngunit nang balikan niya ito ay nawawala na.
Agad iniulat ng biktima ang insidente sa tanggapan ng District Special Operation Unit (DSOU) na pinamumunuan ni Supt. Rogarth Campo sa Kamp Karingal at inalarma ang insidente at nagsagawa ng dragnet operation.
Dakong 12:30 ng madaling-araw, naispatan ng mga pulis ang mga suspek sa Eleven Rd. cor. Harmony St., Brgy. Balingasa at agad sinita subalit sa halip na sumuko ay bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta ng pagkasawi ng mga suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang isang cal. 380 pistol at magazine na may bala, at isang cal. 38 revolver na may bala.
Kaugnay nito, narekober din ang ninakaw na motorsiklo ng complainant, dalawang cellphones at dalawang bag ng babae na hinihinalang ninakaw din ng mga ito. SANTI CELARIO